Friday, April 09, 2010

walang katapusan

noong una tayong nagkatagpo.. masaya.. inuman..
masaya ka, dahil natagpuan mo ako..
noong inuman, may binigay ka sakin, hanggang ngayo'y nandito pa rin..
nagulat ako, dahil hindi ko akalain na makakatagpo rin ako ng katulad mo
cool, astig, at higit sa lahat, game kahit saang bagay.

pauwi na, nasa bus tayo kasama ng kaibigan mo
magkahawak tayo ng kamay, walang pakialam sa mga tao
naging tayo rin noon, napagpasyahan natin
masayang masaya tayo.. parang wala nang katapusan ang mundo
magkausap pa rin hanggang sa paguwi, tawag at text doon at dito

sumunod na mga araw, nagkita tayo sa Galleria. date.
kumanta sa videoke..
natandaan ko noon, nakakanta ako nang hindi nahihiya.
pakiramdam ko kaya ko na lahat ng bagay sa mundo pag kasama ka.
pakiramdam ko'y ang lakas lakas ko, walang kahinaan pag kapiling ka

naulit ang mga panahong ganito tayo.. unang gabi nating hindi makakalimutan
noon ay minahal kita ng tunay, ng buong katapatan
hindi ko maipaliwanag, ngunit nahulog ako sa iyong ka-astigan
akala mo'y matutunaw sa simpleng tinginan
puso'y tumatalon sa aking kasiyahan

pansamantala kang umalis, umuwi sa probinsya ng isang buwan.
naalala ko noon, nasa SM, umiyak ka sa harap ng maraming tao
sabi mo'y panandalian lamang, wala akong magagawa sabi ko
kinailangang umuwi, kahit kalungkutan ang dala nito
ipinaubaya ko na sa Diyos ang pagmamahal ko.

Pangako mo'y tinupad, ikaw ay bumalik kasabay ng aking kaarawan
para sa akin, yaon ang pinakamagandang regalong natanggap
nag-abala ka, nagpagawa ng singsing, para sa ating dalawa
puso ko'y muling lumambot at dahil dito'y mas minahal kita
pakiramdam ko, alapaap yata'y naabot na

pinagpasyahan nating sa iisang bubong, tayo'y magsasama
kasayaha'y walang patid, walang pagdududa
ngunit ilang araw pa lamang ang nakakalipas, isang kahibangan
paalam mo'y iinom lamang, ngunit iba pala ang kahihinatnan
nakilala mo sa networking site, tinagpo mo at kayo'y nagkadaupan

aking natuklasan, at dahil dito mundo ko'y gumuho
pilit na tinatanong sa Diyos kung bakit nangyari ito
gayong inalay ko ang buong puso ko
hindi pa rin pala sapat ito para sa iyo
ako'y nasaktan, at pakiramdam ko'y nagunaw ang aking mundo

ngunit dahil mahal kita.. pinatawad, pinilit ibalik ang dati
kung ito ang kabayaran ng dating kasalanan, tinanggap ko ito
ngunit sabi nga nila, ang salamin pag nagkalamat na
kahit buuin ito, may lamat pa ring makikita
mula noon, palagiang nagiisip, kung iyon ba'y muli mong magagawa

ilang buwan ang nakalipas, ngayon, tayo'y magkasama pa rin
hindi na matatawaran ang ating pinagdaanan
pagdududa'y, naroon pa rin, ngunit dahil mahal ka
palaging tinatanggap, palaging nagpapakumbaba
dahil inamin mo ang iyong pagkakamali, at nangakong hindi na mauulit pa

Dati, hindi ka mapakali kapag hindi ako nagpaparamdam
kaya kahit may ginagawa, pilit na ipinagpapaalam
bawat sandali'y kailangang malaman
ngunit makalipas ang ilang buwan, parang wala nang pakialam
ang dating ikaw ay parang nagbago, pilit tinatanong, pilit inaalam

ganito ba talaga ang puso? ang pagmamahal? minsan ay nakakasawa?
sa aking puso'y naman hindi ko naramdaman na ako'y nag-iba
ngunit sa palagay mo ako'y naging maramot, mapagduda
masisisi mo ba ako sa nangyari sa ating dalawa
ngayon na tayo'y magkasama, ikaw ay parang nagsasawa?

ikaw ay umuwi, isang buwang pagtitiis nanaman
nagtatanong, nagiisip, kailan babalik ang aking mahal
nagtatanong kung babalik pa ba ang dating pagtitinginang
sabi mo'y walang problema, hindi kailangang pag-isipan
kailangang tanggapin ito, kailangang paniwalaan.

ikaw ay minamahal ko ng buong puso at kaluluwa
alam ko namang mahal mo rin ako, ngunit parang may nag-iba
dati, mas mahal mo ako, ngayon, mas mahal na kita
palaging may kulang, hindi magkatagpo sa gitna
panalangin sa Diyos, sana'y matupad pa

alam kong ito'y pansamantala lamang.. tayo'y magkakahiwalay din
ngunit habang tayong dalawa, sana'y ilaaan sa isa't isa
buong pagmamahal na walang pagdududa
ito lamang ang hinihiling sayo aking mahal
pagka't ang mawala ka'y hindi ko makakaya

basta ito ang aking alam, mahal kita! ito ang aking sigaw
saksi ang buong mundong palaging nanunuri at mapang-husga
walang nang makakapagpabago sa aking nararamdaman
buong buhay ay inaalay sayo, sana'y iyong malaman
mamahalin kita, ng walang katapusan